NAKOMPISKA ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang halagang P148,664 hinihinalang shabu at marijuana sa tatlong ‘itinurong’ tulak sa magkahiwalay na anti-drug operations sa mga lungsod ng Las Piñas at Parañaque.
Base sa ulat, nagsagawa ng buy bust operation ang Parañaque Police, dakong 10:20 sa Manila Memorial Park sa Brgy. BF Homes nang makatanggap ng reklamo na lantarang pagtutulak ng ilegal na droga.
Nahuli sa operasyon ang sinasabing suspek na si Joefel Ordoñez, 35 anyos, nang pagbentahan ang ipinain na poseur buyer ng awtoridad.
Nakuha sa suspek, ang halos apat gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27,200 habang nabawi ang P500 marked money na gagamiting ebidensiya.
Bandang 12:30 am nitong Martes nang magkasa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Unit ng Las Piñas City Police Station sa San Francisco St., Barangay Almanza 1.
Nahuli ng mga pulis sina Ejay Inocencio at Aldrive Blas, kapwa 21 anyos. Nakuha sa kanila ang nasa 1,037.2 gramo ng marijuana na may P121,464 street value.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Las Piñas at Parañaque Prosecutors’ Office. (GINA GARCIA)