NASAMSAM ang tinatayang P9.7-milyong halaga ng sako-sakong dahon ng hinihinalang marijuana habang arestado ang dalawang pinaniniwalaang big time tulak at lima pang personalidad sa droga sa magkakasunod na drug sting na isinagawa ng Bulacan PNP sa lalawigan nitong Linggo, 4 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PNP, nakumpiska ng mga operatiba ng Balagtas MPS ang 81 bloke ng tuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa mga sako at may timbang na 81 kilo at tinatayang may nagkakahalaga ng P9,720,000 sa buybust operation na ikinasa sa Brgy. Santol, sa bayan ng Balagtas, dakong 2:45 ng hapon kamakalawa.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Mark Lambert Bhobe ng lungsod ng Meycauyan; at Angelo Llagas ng Brgy. Gaya-Gaya, lungsod ng San Jose del Monte.
Gayundin, inaresto rin ang lima pang drug suspects na kinilalang sina Jose Oliver Mercado alyas Doro ng Brgy. Malipampang, San Ildefonso; Jonathan Villafuerte alyas Badong ng Brgy. Maasim, San Ildefonso; Gemar Naliatan alyas Amang ng Brgy. Niugan, Angat; Arnold Zaldy Talastas, Jr. ng Brgy. Biñang 2nd, Bocaue; at Benjie Agbay ng Brgy. Inaon, Pulilan sa serye ng mga anti-illegal drug operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Angat, Marilao, Pulilan at San Ildefonso MPS.
Nakumpiska ang may kabuuang 10 pakete ng hinihinalang shabu, dalawang pakete ng tuyong dahon ng marijuana, at buybust money mula sa mga suspek.
Dinala ang lahat ng mga suspek at mga ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri habang inihahanda ang mga reklamong kriminal na isasampa laban sa kanila. (MICKA BAUTISTA)