ARESTADO ang 88 indibidwal, pawang nakatala bilang wanted persons sa isinagawang Simultaneous Implementation of Warrant of Arrest sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Laguna, nitong Martes, 30 Agosto.
Sa isinagawang Simultaneous Implementation of Warrant of Arrest ng iba’t ibang police stations sa Laguna, 34 arestado ay nakatalang most wanted persons sa Regional, Provincial at City/Municipal Level, kasalukuyang nasa kustodiya ng kanilang arresting units.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, OIC ng Laguna PPO, ang isa sa mga naaresto na si Jerrimy Granada, 46 anyos, residente sa Brgy. Loma, Biñan, nakatala bilang Rank No. 1 PRO4A Most Wanted Person.
Ikinasa ang joint operation ng Biñan CPS at RIU 4A-PIT Laguna Regional Intelligence Unit upang ihain laban sa suspek ang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Jusi Rafa ng Biñan City Regional Trial Court (RTC) Branch 154, may petsang 20 Hunyo, 2022.
Nahaharap ang akusado sa limang bilang ng kasong panggagahasa, rekomendado ng piyansang P200,000 bawat isang kaso.
Kasalukuyang nakapiit ang akusado sa Biñan CPS habang ang korte na naglabas ng warrant ay iimpormahan sa pagkaaresto.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Ang Simultaneous Implementation of Warrant of Arrest na isinagawa ng Laguna ay masusing pinagplanohan ng ating pulisya, kaya’t ipinagmamalaki ko ang Laguna police sa pagkahuli ng wanted persons sa lalawigan.Isang patunay na ang Laguna PNP ay nagtatrabaho para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ganoon rin ang kanilang pamilya.” (BOY PALATINO)