INIHAYAG ni Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson at Legal Services chief, Atty. Cris Suruca, Jr., sasangguni sila sa Office of the Solicitor General (OSG) ng Sandiganbayan matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court laban sa pagpapatupad ng no contact apprehension policy ( NCAP).
Ayon kay Suruca, magtutungo sila sa OSG sa Sandiganbayan para alamin kung dapat silang makialam sa usapin ng NCAP.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na kanilang inirerespeto ang desisyon ng Supreme Court kaugnay ng TRO laban sa NCAP.
Aniya, magpapatuloy ang kanilang gagawing panghuhuli sa pamamagitan ng physical apprehension, magdadagdag ng traffic enforcers kung saan dating ipinatutupad ang NCAP.
Samantala, titigil ang pangongolekta ng mga multa ng NCAP para sa mga nahuli ng polisiya pagkatapos ng pagpapalabas ng TRO kahapon. Ang pagdakip na nangyari bago ang TRO ay sasailalim pa rin sa kaukulang parusa.
“The Supreme Court said that the TRO is effective immediately and shall continue until further notice, hence, it is prospective, and those who have been caught through the policy prior to the issuance of the TRO still have to pay their fines,” paliwanag ni Saruca.
Nakapagtala ang ahensiya ng halos 107,000 NCAP apprehensions mula Enero hanggang Agosto 2022. Kasama sa mga karaniwang paglabag ang pagbabalewala sa traffic signs, number coding scheme, at sa loading and unloading signs.
Umaasa si Saruca, mapapanatili ang disiplina sa mga motorista upang matiyak ang maayos na trapiko ng mga sasakyan at para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada kahit wala ang NCAP. (GINA GARCIA)