PINAG-IINGAT ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino kaugnay sa mga nangyaring insidente ng pananakit sa isang kababayang Pinay sa New York City.
Ayon sa DFA, naglabas ng bagong advisory ang Philippine Consulate General sa New York na nagpapaalala sa ating mga kababayan sa North Eastern United States na maging mapagbantay at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat sa lahat ng oras habang nasa lansangan o sa mga subway.
Ang isyu ng Asian hate crime ay itinaas ng gobyerno ng Filipinas kasama ang mga opisyal ng US.
Kamakailan, idinulog ni Philippine Consul General sa New York Elmer Cato ang isyung ito sa mga kinauukulang awtoridad na nagbigay ng katiyakan na sineseryoso nila ang usapin at gumagawa ng mga hakbang upang ito’y matugunan.
Tinitiyak ng Konsulada sa mga kapwa Filipino sa New York na patuloy nilang susubaybayan ang mga pangyayari at handang tumulong sa mga biktima ng hate crimes at iba pang mga Filipino na nahihirapan sa lugar. (GINA GARCIA)