ARESTADO ang 24 indibiduwal na sangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas sa ikaanim na araw ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) na isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 27 Agosto.
Batay sa ulat na isinumite kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang 15 hinihinalang mga tulak sa ikinasang drug sting ng Station Drug Enforcement Unit ng mga munisipyo ng Bocaue, Calumpit, Marilao, Pulilan, at San Rafael.
Narekober mula sa mga suspek ang kabuuang 35 pakete ng plastik ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P67,636; at buy bust money.
Samantala, pinagdadampot ang pitong sugarol na huli sa aktong nagsusugal ng poker sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng mga tauhan ng Pandi MPS sa Brgy. Bunsuran 3rd, sa bayan ng Pandi.
Nakompiska mula sa kanila ang isang set ng billiard ball, chalk (tisa), cue sticks, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Gayondin, sa inilatag na manhunt operations ng tracker teams ng police stations ng San Miguel at Sta. Maria, nasukol ang dalawang wanted persons na kinilalang sina Joshua Buenviaje sa kasong Qualified Trespass to Dwelling; at Jerrywin Sta. Ana sa kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting officer at police stations ang mga nadakip na suspek para sa naaangkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)