PERSONAL na binisita ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, ang mga mag-aaral sa Signal Village National High School na binuksan ang klase para sa School Year 2022-2023 kahapon, 22 Agosto 2022.
Kabilang sa bumisita sina DepEd TaPat Schools Division Superintendent Dr. Margarito Materum, School Governance and Operations Division (SGOD) Chief Danny Espelico, at Councilor Marisse Balina-Eron ang mga mag-aaral.
Naging maayos at matiwasay ang pagsalubong ng mga estudyante sa unang araw ng pasukan sa iba’t ibang paaralan sa lungsod na binisita rin ng ilang lingkod-bayan. Ang kaayusan sa unang araw ng pasukan ay dahil sa masusing paghahanda ng mga paaralan katulong ang pamahalaang lungsod.
Pinaalalahanan ni Mayor Lani ang mga guro at mga mag-aaral ng kahalagahan sa pagsunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagsagawa ng classroom tour ang alkalde sa EM’s Signal Village Elementary School upang malaman ang kalagayan ng mga mag-aaral at mga guro sa paaralan.
Nasa 8,000 ang mga mag aaral na lumahok sa unang araw ng face-to-face classes.
Nagkaroon ng programa ang pamunuan ng Signal Village National High School sa partisipasyon ng ilang estudyanteng nagpakita ng kanilang talento sa pagsayaw, bago pumasok sa sillid aralan.
Ang blended learning ay magtatapos sa 1 Nobyembre 2022 kaya inaasahang sa 2 Nobyembro ay 100% na ang face-to-face classes sa mga public school sa Taguig.
Ayon kay Mayor Lani, mahalagang suportahan ang hakbangin ng DepEd sa isusulong na face-to-face classes. (GINA GARCIA)