SUGATAN ang hindi bababa sa 29 katao sa pilang nauwi sa stampede sa pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng educational assistance nitong Sabado, 20 Agosto, sa lungsod ng Zamboanga.
Ayon sa tala mula sa Zamboanga City Medical Center, nasaktan ang dalawang lalaki at 27 babae, may edad 16-58 anyos, karamihan ay benepisaryo ng nabanggit na ayuda mula sa DSWD.
Pahayag ng Public Information Office (PIO), lahat halos ng biktima ay nakapila na mula Biyernes ng gabi, 19 Agosto, para sa pagkakataong makatanggap ng ayuda mula sa Kagawaran.
Dinala ang mga nasaktan sa emergency unit ng Zamboanga City Medical Center habang walang naiulat na nasa kritikal na kondisyon.
Samantala, pinuntahan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe ang lugar kung saan naganap ang stampede at tumulong sa mga biktima.
Aniya, nagtalaga sila ng karagdagang mga taong titingin at aalalay sa mga residenteng nakapila simula pa noong nakaraang gabi na umaasang makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.