NAPALITAN na ang ninakaw na metro at kawad ng koryente sa C5 road sa lungsod ng Taguig.
Hinimok ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang mga residente na maging mapagmatyag upang hindi na maulit ang nakawan ng mga kable ng koryente at kontador sa kanilang lugar.
Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, katuwang ang Brgy. Pinagsama at Local Utility Office (LUO) ang pagpapailaw sa mga poste sa northbound ng C5 Service Road Phase 1, Brgy. Pinagsama sa lungsod.
Nabatid, mahigit isang taon din umanong nawalan ng ilaw ang bahagi ng C5 Service Road sa Brgy. Pinagsama dahil pinagnanakaw umano ang metro o kontador ng koryente.
Kaya naglagay ulit ang LGU ng linya ng koryente sa lugar upang maging ligtas ang mga motoristang bumabagtas dito tuwing gabi o tuwing masama ang panahon.
Ito ay kabilang din sa mga inisyatiba ng lungsod upang mapaigting ang anti-criminality efforts na kaakibat ng top agenda ng Taguig local government unit (LGU). (GINA GARCIA)