NAGBARIL sa sentido ang 83-anyos lolo sa loob ng kaniyang silid sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Emmanuel Galang Pelayo, 83, walang asawa, at residente sa Don Antonio South, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Sa late entry report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 7:50 am nitong Biyernes, 12 Agosto, nang maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon nina P/Cpl. Camilo Ross Cunanan at P/SSgt. Bienvenido DG Ribaya III, inutusan umano ng biktima ang kaniyang kasambahay na si Veronica Magsino na iluto siya ng almusal.
Agad tumalima si Magsino at nagtungo sa kusina upang magluto ng almusal ngunit ilang sandali lamang ay nakarinig siya ng malakas na putok ng baril mula sa ikalawang palapag ng bahay.
Dahil dito, nagmamadaling pinuntahan ng kasambahay ang silid ni Pelayo at doon ay bumungad sa kaniya ang biktima na nakahandusay sa sahig at umaagos ang dugo sa ulo.
Tarantang nagtatatakbo palabas ng bahay si Magsino at nagpasaklolo sa pamangkin ng matanda na si Joseph Aguila at sa mga opisyal ng Barangay Holy Spirit.
Naisugod sa East Avenue Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival dakong 8:30 am ni Dr. Patrick Talampas.
Walang nabanggit na dahilan kung ano ang nag-udyok sa biktima upang magpatiwakal.
Natagpuan sa silid ng biktima ang isang Smith and Wesson .38 revolver, may serial number C978413P at loaded ng isang fired cartridge case at limang cartridges sa cylinder.
Nagasasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang tiyakin na walang naganap na ‘foul play’ sa pagkamatay ng ocotogenarian na si Pelayo. (ALMAR DANGUILAN)