Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
SIMULA sa 1Oktubre ng taong kasalukuyan, aalisin na at ipagbabawal ng Facebook ang lahat ng live shopping feature.
Paliwanag ng facebook, lumilipat umano ang mga consumer sa short-form video kaya magpopokus na sila sa reels o maiiksing video na napapanood sa FB o Instagram.
Puwede pa rin gamitin ang FB sa mga live event ngunit hindi na puwedeng gumawa ng product playlist o mag-tag ng produkto sa mga live video ang seller.
Tiyak maraming magre-react sa aksiyong ito ng FB dahil marami ang nakinabang sa live selling, na naapektohan ng pandemya, na ngayon lamang bumabangon sa pamamagitan ng live selling.
Kung marami ang nakinabang sa live selling, marami rin ang na-scam.
Sa live selling kasi, agad nakikita ang produkto at masyadong matatamis sa dila ang promotion ng produkto. Pero kadalasan ‘pag umorder ka, hindi totoo ang mga sinabi sa live promo, lakas mambola ng kanilang advertisement!
***
Gadgets, korek na ipagbawal
sa face-to-face classes.
Totoong magiging sagabal sa mga mag-aaral ang pagbitbit ng mga gadgets gaya ng cellphone, tablet sa panahon o oras ng pag-aaral ng mga estudyante sa loob ng classroom.
Hangad ko na sana maaprobahan ang panukalang ito ni Rep. Joey Salceda, “No Celphone During Classes Act.” Sakop nito mula kindergarten, hanggang senior high school, pribado man o pampublikong paaralan.
Ani Salceda, bagama’t maraming benepisyo ang paggamit ng cellphone at iba pang digital device, iyon ay posible rin magdulot ng pagkagambala sa mga gawain sa trabaho at pag-aaral, partikular sa mga kabataan.
Maraming sang-ayon sa panukalang ito ni Salceda, dahil tunay na maraming kabataan ngayon na sa sariling bahay ay hindi na maawat sa paggamit ng cellphone at hindi na mapakinabangan sa mga gawaing bahay.
Kaya sa paaralan ay magsisimula ang pagsuheto sa pagka-addict ng mga kabataan sa cellphone.