BUMABA hanggang sa 1,696 ang bilang ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa Bulacan Provincial Jail (BPJ), ayon kay Gob. Daniel R. Fernando nang ipahayag niya ito sa isinagawang obserbasyon ng pagbubukas ng “5 Pillars of Criminal Justice System” sa Bulacan na ginanap kaalinsabay ng face-to-face na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos, nitong Lunes ng umaga, 8 Agosto.
Ayon kay Provincial Jail Warden Retired Col. Marcos Rivero, ang nasabing bilang ng mga PDL ay mula sa higit 4,000 na nakapiit sa Panlalawigang Piitan noong kasagsagan ng pandemya.
Ani Rivero, inatasan siya ni Fernando na sikaping maiayos ang naturang pasilidad at gumaanang sitwasyon sa loob ng piitan.
Kaisa ng Limang Haligi ng Kataraungan, sinikap nila Fernando na mapaluwag ang piitan kung saan daan-daang sentensyado ang pinagsumikapang mailipat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa; pagpapatupad ng Drug Dependency Exam na daan para mag-plea bargain ang isang drug suspect o umamin sa nagawang kasalanan kapalit ng mas magaan na sentensiya, pagpapatupad ng E-dalaw at iba pa.
Anang gobernador, dadagdagan din ang mga kompyuter at mas higit na pabibilisin ang internet connection sa BPJ bilang pagtugon sa hamon ng modernong teknolohiya tungo sa ‘new normal’.
Nagtagubilin din si Fernando sa mga kapulisan na paigtingin ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat Bulakenyo kung saan hiniling niya na palakasin ang checkpoint sa mga nagmomotorsiklo upang makontrol ang mga posibleng krimen. (MICKA BAUTISTA)