SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAGANDA ang paliwanag ni direk Real Florido ukol sa paggawa niya ng BL (boy love) series. Si Direk Florido ang direktor ng isang naiibang series sa bagong handog ng Vivamax, ang Kumusta Bro? Ito’y pinagbibidahan ng mga baguhang sina Sky Quizon, Kristof Garcia, RJ Agustin, Allen Cecilio, at JM Mendoza. Nag-premiere na ito noong July 30 sa Vivamaxplus.
Ayon kay Direk Real, hindi siya sumasakay lamang sa uso kaya gumagawa siya ng BL series.
Aniya sa isinagawang media conference kamakailan, “Ako ‘yung tipo ng storyteller/ director na gumagawa ng isang proyekto na pinaniniwalaan ko. Hindi ako gagawa nito dahil uso o sasakay sa uso.
“Sa akin, naghahanap ako ng magnadang paraan kung saan mas mapaiintindi natin sa mga manonood kung ano ang kalagayan ng bansa natin bilang pagkilala sa mga miyembro ng LGBTQ community.”
Paliwanag pa ng direktor, “Ang ganda kasi ng boy love genra. Genra kasi siya ng romance originally dahil ang dali niyang sakyan, ang dali niyang intindihin. Parang hindi siya katulad ng mga hard core na LGBTQ na ginawa para sa LGBTQ community mostly.
“Ito kasing boys love nagiging popular culture siya in many ways,” aniya na sinabi niyang malakas ang mga ganitong tema ng serye o pelikula sa Asia gayundin sa Europe at UK na nagbabalak na rin gumawa dahil nakita nila ang potensiyal.
Sina pa ni direk Florido na “Noong nakita ko ang opportunity na iyon, ito siguro ang right time for me para masabi ko ang gusto kong sabihin about LGBTQ community where I am a part of. Sa Pilipinas kasi ‘wag na nating patamisin pa. Ginagawa lang katatawanan ang mga miyembro ng LGBTQ community.”
Sa pamamagitan ng BL series, anang direktor, “Nahu-humanize nito ang pagiging miyembro ng LGBTQ community. Normalize, ibig sabihin nakikita mong nai-inlove ang isang beautiful boy sa kapwa beautiful boy.
“Binibigyan mo ng pantasya ang isang bata na tin-edyer o isang hopeless romantic na magkakaroon ng chance at knowing someone na mamahalin siya kasi napaka…somehow napaka-define lang nang silbi sa mga media content na ginagawang exciting katatawanan, parlor.
“Hindi naman iyan ang mukha ng LGBTQ community. Ito, may ganitong mukha, kung may ganitong isang bata na kagaya niya, actually pinagmulan ko iyan eh, kasi noong bata ako nako-confuse ako kasi hindi ko alam eh. Saan ba ako ‘pag sinabing bakla o bading, kailangan nasa parlor? Pero hindi ko nakikita ang sarili ko sa parlor, hindi ko nakikita ang sarili ko na nagme-make-up.
“Kasi gusto kong gawan ng statement iyon. Kailangan nilang malaman ang posisyon nila sa society na they deserve the respect and they deserve to be loved as a human being. Ito ang main intention ko kung bakit ako gumawa ng ganitong klase ng BL and the theme of our series is about acceptance. Acceptance in tanggap mo ba ang sarili mo bilang ikaw kung ano ka, tanggap ka ba ng kapamilya mo? Tanggap ka ba ng society? Tanggap ka ba ng kabarkada mo? Tanggap ka ba ng mundo? So, iyon ang iikutang tema ng ‘Kumusta Bro’ and I anchored that with my intention,” mahabang paliwanag ng direktor.
Ang Kumusta Bro? ay isang 10-part BL (Boys Love) series na ukol sa limang binata na pinagtagpo ng iba’t ibang desisyon sa buhay at pag-ibig. Na sa kagustuhang takasan ang drama ng komplikadong buhay may papunta sa malayong lugar pero parang pinaglalaruan ng tadhana.