NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu sa tatlong drug personalities, kabilang ang dalawang listed bilang high value individual (HVI) matapos maaresto sa buy bust operation sa Malabon City.
Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ulysses Cruz ang District Drug Enforcement (DDEU) sa ilalim ng pangangasiwa P/Lt. Col. Renato Castillo sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina Larissa Lacson, alyas Ate, 31 anyos, (HVI); Maricris Marquez alyas Cris, 43 anyos, tulak, kapwa nakatira sa Road 4 St., Brgy. Dampalit, at Ricardo Salvador, 49 anyos, HVI, residente sa Navotas City.
Ayon kay Cruz, dakong 1:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni P/SMSgt. Michael Tagubilin ng buy bust operation sa harap ng Unit B, Road 4 St., Brgy. Dampalit, isang undercover police ang nagawang makipagtransaksiyon sa mga suspek ng P5,500 halaga ng droga.
Nang tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang medium size transparent plastic sachet ng shabu ay agad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 210 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P1,428,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang pirasong P1,000 boodle money, at sling bag.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)