ARESTADO ang isang lalaking nanlaban at tinutukan ng kutsilyo ang isang pulis na nagmamando sa isang checkpoint sa Brgy. Alos, sa lungsod ng Alaminos, lalawigan ng Pangasinan, nitong Sabado, 30 Hulyo.
Nabatid na nagsasagawa ng checkpoint sina P/SSgt. Richard Maure at iba pang pulis dakong 6:50 pm nang pahintuin nila ang isang itim na motosiklo para sa inspeksiyon.
Magalang umanong nilapitan ni Maure ang suspek na kinilalang si John Robert Mirador, 28 anyos, residente sa Brgy. Doliman, Infanta, Pangasinan.
Imbes makipag-usap sa mga awtoridad, naglabas ng kutsilyo si Mirador saka bumaba sa kanyang motorsiklo.
Kinompronta niya ang mga pulis saka hinabol ng kutsilyo si Maure.
Nang makadistansiya si Maure, binunot niya ang kanyang baril at itinutok sa suspek saka inutusang kumalma.
Ibinaba ni Mirador ang kutsilyo saka siya inaresto ng mga pulis.
Naunang dinala ang suspek sa pagamutan para sa pagsusuri bago dinala sa lokal na estasyon ng pulisya para sa naaangkop na disposisyon.