MA at PA
ni Rommel Placente
NOONG Lunes ng gabi, ginanap sa Trinoma Cinema 1 ang celebrity screening ng Lyric & Beat na bida sina Andrea Brillantes bilang si Lyric at Seth Fedelin bilang si Beat. Isa kami sa entertainment press na naimbitahan.
Siyempre, present doon ang dating loveteam at magkarelasyon, na noong dumating sila sa venue ay grabe pa rin ang tilian sa kanila ng mga fan.
May SethDrea fan club pa rin kaming nakita kahit na nga buwag na ang loveteam ng dalawa.
Sa Lyric & Beat ay itinampok dito ang mga song na isinulat at pinasikat ni Jonathan Manalo. Tribute kasi sa kanya ang serye, para sa kanyang ika-20 taon sa music industry.
Kaya siyempre, nandoon din si Jonathan.
Ang ilan pa sa nakita namin doon ay sina Eric Santos at Angeline Quinto. Na kaya sila sumuporta sa celebrity screening ay dahil ang kanta ni Eric na Kulang Ako Kung Wala Ka at kanta ni Angeline na Patuloy Ang Pangarap ay dalawa lang sa isinulat ni Jonathan, na napakinggan sa serye.
In fairness, nagustuhan namin ang Lyric & Beat. Ang ganda ng pagkakalahad ng istorya. Akmang-akma sa mga eksena ang mga kantang isinulat ni Jonathan na pinasok dito. Hindi lang basta inilagay ang kanta.
At ang husay dito ni Andrea, na gagawin ang lahat matupad lang ang pangarap na maging isang singer. Bukod sa magaling sa drama ay may ibubuga rin pala siya sa comedy.
Ang Lyric & Beat ay isang musical series dahil bukod sa kantahan ay mayroon ding sayawan. Kaya naman ang ilan sa mga character na mapapanood dito ay mga singers at dancers gaya nina Darren Espanto, AC Bonifacio,Kyle Echarri,Nyoy Volante, Agot Isidro, Joanna Ampil, Sheena Belarmino, Jeremy Glinoga, atAngela Ken.
Mapapanood na sa August 10 sa iWantTFC ang Lyric & Beat.