Friday , November 15 2024
Daniel Fernando Alex Castro

Sa ika-11 Sangguniang Panlalawigan pasinayang pagpupulong
FERNANDO, CASTRO TULUNGAN NG EHEKUTIBO AT LEHISLATIBO SINELYOHAN 

KAPWA nangako sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro na susuportahan ang programa ng isa’t isa bilang pinuno ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan sa ginanap na Pasinayang Pagpupulong ng Ika-11 Sangguniang Panlalawigan sa Bulwagang Senador Benigno Aquino, Sr., Session Hall sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 15 Hulyo.

Nanawagan ang gobernador sa kanyang mga kapwa lingkod bayan na isantabi ang politika at pansariling interes, at yakapin ang kanilang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan ang mga kababayan.

“We can work independently in nature and in function yet together in principles and vision. Isa lamang ang ating layunin, makita ang Bulacan ay isang maunlad, matiwasay, at masayang lalawigan kung saan may katarungan para sa lahat,” ani Fernando.

Gayon din, nangako si Castro na susuportahan ang mga programa ni Fernando at hinikayat ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ganoon din ang parehong gawin.

“Ang aking hamon para sa ating lahat, lalong higit sa ating mga kasamang Kasangguni, itaguyod po natin ang mga programa ng ating Punong Lalawigan. Ibigay po natin ang isang daang porsiyentong suporta sa kanya at sa kanyang pamumuno. Bigyan po natin siya ng hindi nahahating pakikiisa sa kanyang mga layunin. Kaya naman po ang atin rin pasasalamat kay Governor Daniel sa pagpapahayag ng suporta sa ating mga mithiin,” anang bise gobernador at pinunong tagapangulo ng SP.

Binuksan ni Castro ang Ika-11 SP sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Panloob na Alituntunin ng Pamamaraan; paghirang kina Majority Floor Leader Erlene Luz V. Dela Cruz, Assistant Majority Floor Leader Cezar L. Mendoza, at Minority Floor Leader Allan P. Andan; at pagtatalaga sa Chairmanship ng Standing Committees.

Ang Ika-11 Sangguniang Panlalawigan ay binubuo nina Bise Gob. Castro; mga Bokal Allan P. Andan at Romina D. Fermin mula sa Unang Distrito; Lee Edward V. Nicolas at Erlene Luz V. Dela Cruz mula sa Ikalawang Distrito; Raul A. Mariano at Romeo V. Castro, Jr., mula sa Ikatlong Distrito; Allen Dale DC. Baluyut at Enrique A. Delos Santos, Jr., mula sa Ikaapat na Distrito; Richard A. Roque at Cezar L. Mendoza mula sa Ikalimang Distrito, at Arthur A. Legaspi at Renato DL. De Guzman, Jr., mula sa Ikaanim na Distrito; at mga ex-officio members na sina Indigenous People’s Mandatory Representative Liberato P. Sembrano, Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Bulacan Ramilito B. Capistrano, Pangulo ng Philippine Councilor’s League Bulacan Chapter William R. Villarica, at Provincial Federation President ng Sangguniang Kabataan Robert John Myron A. Nicolas.

Samantala, ipinahayag din ni Fernando ang kanyang Ulat sa Lalawigan at mga napagtagumpayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa kanyang unang termino sa harap ng Sangguniang Panlalawigan, mga pinuno ng mga tanggapan, at iba pang panauhin. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …