SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI tatanggihan ni Lovely Abella sakaling may mag-alok muli sa kanya ng international o Hollywood movie. Ito ang nabanggit ng misis ni Benj Manalo nang makapanayam namin ito bago ang special screening ng pinagbibidahan niyang The Expat na palabas na sa US ngayon at naipalabas na rin sa Canada.
Ani Lovely bagamat nahirapan siya sa The Expat dahil Ingles ang ginamit nilang lengguwahe hindi iyon hadlang para muli siyang tumanggap ng international movie lalo’t napansin ang galing niya sa pag-arte internationally.
“Kapag andyan na ang offer, tatanggapin ko hindi naman io-offer sa iyo kung hindi nakikita ‘yung galing mo, pero siguro mag-aaral lang ako ng super dooper na English. Pero alam ko at malalaman naman nila kung ano ang kakayahan ko. At hindi naman ako iyong nagtatago from the very beginning, sinabi ko agad na nahirapan ako sa movie na ito,” ani Lovely.
Bukod kay Lovely, bida rin dito si Lev Gorn na gumaganap na isang American Marine at naninirahan sa Maynila na napapatay ang bawat nagiging karelasyon. Idinirehe ito ni Gregory Segal. Si Lev ay isang Russian born American stage film and television actor na nakilala sa pagganap bilang si KGV agent Arkady Ivanovich Zotov sa pelikulang The Americans. Si Segal naman ang direktor ng mga pelikulang All Nighter, Should’ve Been Romeo at iba pa. Ang The Expat ay handog ng 4Now Films, Badladz Productions, at Spring Fairy Entertainment. Sina Direk Segal at Charlotte Dianco naman ang nagsulat ng kuwento.
“Magiging honest ako na nahirapan talaga ako. Nahirapan ako sa start dahil noong binabasa ko ‘yung script walang pumapasok sa isip ko. Tapos sabi sa akin ng mga co-artist ko sa ‘Sunday Pinasaya’ si Gerald Napoles, sabi niya, ‘Ga isipin mo na ikaw ang napili riyan so, nagustuhan ka.’
“Sa totoo lang hindi ko alam, I have no idea from the very beginning niyong movie wala akong idea kasi parang nag-focus ako sa role ko.
“Itong ‘Expat’ super mysterious na kahit ako, kahit hindi ko nabas ang buong script, naengganyo ako na talagang manood o alamanin kung anong mayroon dito, mysterious talaga ang movie,” kuwento ni Lovely na gumanap bilang girlfriend ni Lev sa probinsya.
Inamin pa ni Lovely na hindi niya masyado na-internalize noong una ang karakter na gagampanan. “‘yung pakikipag-usap sa kanila mahirap, ‘yung may itatanong ka, ay ‘wag na nga lang kasi ang hirap makipag-communicate kasi Ingles nga. Pero ang bait ng co-actor ko si Sir Lev kasi siya ang umayos ng script ko. So ‘yung mga super long line na malalim na English inayos niya. Siya ang gumawa ng script ko, at habang inaayos niya, nagla-lines kami. Ginawa namin iyon impromptu. Most sa script ay hindi na namin sinabi, andoon na kami sa story pero hindi namin sinunod kaya naging mas madali na sa akin.
“English talaga kasi ang salita ko rito kaya talagang mahirap. Ano na ito five years ago ko ito ginawa. Ang akala ko ipalalabas rito pero mas naging target pala ang Canada at US. Aware naman ako na sa ibang bansa ipalalabas kaya masaya ako na nagkaroon ng ganitong special screening, ‘yung effort ng buong team para mapanood namin, sobrang saya talaga ng heart ko, lalo na nalaman ko na pupunta sila ng Mindoro para ipapanood din doon sa mga kababayan kung saan kami nag-shoot,” sabi pa ni Lovely na nang mag-audition ay hindi niya alam na lead star ang kanyang tinatarget na role.
“So nag-audition ako rito at agad-agad na natanggap. Kasama ko noon si Valeen Montenegro kasi kaibigan ko siya. Siguro dahil talagang probinsyana ako kaya ‘yung role talagang pasok sa akin. Ako ang napili. Hindi nakuha si Valeen, ako lang.
“Noong nasa akin na ang script umiiyak ako kay Benj kami na noon, sabi ko hindi ko talaga kaya. Kasi kapag binabasa ko ‘yung script kahit isang linya lang hindi ko siya mamemorize kasi nga sobrang lalim ng English hanggang sinabi niya sa akin na i-try ko. So sinunod ko siya ayun umokey naman,” pagbabalik-tanaw ni Lovely.
Bukod sa English, na-challenge rin si Lovely sa kissing scene. “Oo medyo mahirap ang kissing scene sa kanila kasi may pa-dila kaya dinilaan ko na rin para it’s a tie, ha ha ha, charot. Hindi wala naman po, simpleng kiss lang, at baka hindi ako respetuhin ng mga bumibili sa akin. Isang beses lang naman, iyong kissing scene,” sambit ni Lovely.
Sa kabilang banda, ipinagdarasal ni Lovely at wino-work out nila ni Benj na mabuntis na siya. “Praying for that, mag-2 years na kami this January, pero seven years na magdyowa. Noong pandemic tinry namin kaya naging mabilis ang wedding namin kasi nagka-Covid ako. Natakot siya na baka bigla akong mawala na hindi ako napakasalan kaya nag decide kami na magpakasal.
“Regarding sa baby until now talagang pinagpi-pray namin. Tina-try din naming magpa-doctor, so ayun naman. In Jesus name baka this year po. Ang sabi ng doktor medyo may problem ‘yung sperm counts ni Benj dahil sa stress,” esplika pa ni Lovely na handang-handa nang maging mommy.
Sinabi pa ni Lovely na na-realize niya simula nang magpakasal sila na lalo silang na-bless dahil nagkaroon sila ng dalawang company. Ang BenLy’s online shop na nagtitinda siya ng gold at diamond at ang Seven Long table na cosmetics naman.
At ngayong may asawa na si Lovely wala naman siyang limitasyon sa pagtanggap ng project subalit hindi niya ito mahaharap lalo’t dalawa na ang kanyang kompanya at marami ang umaasa sa kanyang mga tauhan.
“Guestings pwede pa. Pero isa ako sa natsugi sa ‘Bubble Gang (six years siya rito). Umiyak ako noong una kaya napunta ako sa Boracay ang sakit sa puso kasi inunti-unti ka pa pero ngayon mas nakikita ko ang direction ni Lord. Feeling ko kaya ako inalis ni Lord doon (BG) ay dahil gusto niyang mag-focus ako rito sa company ko plus maibigay ko sa iba ‘yung opportunity sa mga bago. So, ibinibigay ko na sa kanila kasi iba na rin ang direction ko sa business eh, hindi siya biro,” sabi pa ni Lovely.