SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MARAMI ang nagtaka nang makita nang marami na nasa Cannes 2022 Film Festival kamakailan si Sylvia Sanchez. Marami ang nag-akala at nagtanong kung anong pelikula ba mayroon ang aktres na ilalaban o ipalalabas. Kasama kasi niya si dating Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Liza Dino-Seguerra. Nasa Cannes si Sylvia para magmatyag at at maghanap ng koneksiyon bilang producer.
Sa pakikipag-usap kay Sylvia kamakailan, ito agad ang aming nilinaw sa kanya. Ano ang ginawa niya sa Cannes?
Sagot ng magaling na aktres, “Gusto ko kasing mag-produce ng pelikula na papatok sa international. So, para magawa ko iyon, kailangan kong magpunta roon para malaman ko kung ano ang in o ‘yung tinatangkilik ngayon sa international.
“Naroon din ako para ibenta iyong pelikula ni Arjo na ‘Hey Joe,’” sambit ni Sylvia patungkol sa pelikula ni Arjo Atayde na Hey Joe kasama sina Joel Torre, Mon Confiado, at Nova Villa na idinirehe ni Avel Sunpongco.
“Kung papasukin ko kasi ang pagpo-prodyus, siyempre kailangan ko may knowledge ako sa kung ano ba ang iyong mga pelikulang mas maganda. Hindi naman pwede iyong basta-basta lang ako gagawa ng pelikula na hindi ko alam kung magugustuhan ba iyon o papatok sa manonood. “
Kaya nga nagpahinga muna si Sylvia sa paggawa ng serye dahil gusto niyang tutukan ang pagpo-produce para sa kanilang Nathan Studios. Katunayan, apat na pelikula na ang ginagawa nila. Dalawa ang pelikula ni Ria, ang X Factor at iyong Langit Lupa Impiyerno na parehong line produce ni Bianca Balbuena.
“Iyong ‘X Factor’ kasama ni Ria sina Carlo Aquino at Jake Ejercito. Tapos ‘yung ‘Langit Lupa Impiyerno’ gagawin pa lang at makakasama niya rito sina Kokoy de Santos at Kyle Echarri,” kuwento pa ni Ibyang.
Bago ito’y naging abala si Sylvia sa pagtulong sa kandidatura ng kanyang panganay na ngayo’y Kongresista na ng District 1 ng Quezon City, si Arjo Atayde. Bagamat sobrang pagod, sulit ang inilaan nilang oras sa pakikisalamuha sa constituents ng District 1.
“Nakakapagod pero siyempre sobrang proud ako sa pagkapanalo ng anak ko. Sulit ang pagod namin. Talagang itong si Arjo kapag may ginusto, nakukuha niya. Bulls-eye talaga. Noong sinabi niyang gusto niyang maging artista, naging artista siya at hindi lang basta artista, naging magaling na artista siya na sa unang serye niya kinilala agad ang husay niya tapos sa unang movie nagka-award siya, tapos itong unang pagpasok niya sa politika, nanalo siya.
“Blessed talaga si Arjo kasi mabait siyang bata, hindi dahil sa anak ko siya kasi talagang nasa puso niya ang pagtulong. ‘Di ba nga sabi niya ayaw nyang maging politiko, gusto niyang maging public servant.”
At bago kami magtapos ng tsikahan, naikuwento rin ni Sylvia na tinulungan siya ni Liza sa Cannes para makilala ang ilang producer na posibleng maging collaborator nila sa mga gagawin nilang pelikula sa hinaharap.