SIYAM katao ang nadakip at mahigit sa P.8 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa magkakahiwalay na buy bust operation, sa Makati, Las Piñas at Parañaque, nitong Martes, 12 Hulyo.
Huling naaresto ang tatlong suspek na kinilalang sina Rexan Godino Apigo, alyas Buntog, 46 anyos, forklift operator; Vicente Llander Gasilos, 60 anyos; at HelenMie Puzon Abueva, 32, pawang residente sa Parañaque City.
Nakuhaan ng P204,000 halaga ng hinihinalang shabu ng Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (SPD) dakong 8:30 pm nitong 12 Hulyo sa Bacawan St., Purok 1, Silverio Compound, Barangay San Isidro, Parañaque City.
Dakong 7:17 pm ng parehong araw naaresto ang 54-anyos na si Marilou Chavez, alyas Ana, ng Makati City, nasamsaman ng P340,000 halaga ng ilegal na droga ng mga tauhan ng Makati Police Station Drug Enforcement Unit.
Una rito, dakong 3:00 pm sa Tambakan Bernabe Compound, Brgy. Pulanglupa Uno, Las Piñas City, naaresto ng Las Piñas Police ang limang suspek na kinilalang sina Lloyd, 24; RolandoEspiritu, 31; Maricar Versoza, 35; Anthony Sotol, 26, ng Las Piñas City, at Jonathan Buena, 34, ng Bacoor City.
Nakuha sa mga suspek ang nasa 53.3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P362,440.
“Ang sunod-sunod na operasyon sa ating nasasakupan ay bunga ng ating maigting na kampanya kontra ilegal na droga, na walang magandang maidudulot sa ating katawan, bagkus sisirain ang ating buhay kaya naman ito ay ipinababawal ng ating batas, sa ating mga kababayan hindi po titigil ang pulisya para sugpuin ang ilegal na droga sa ating nasasakupan, makaaasa po kayo, sa pamamagitan ng inyong suporta, at suporta mula sa ating gobyerno, magtutuloy-tuloy ang ating kampanya upang wakasan ang mapinsalang ilegal na droga,” pahayag ni SPD P/BGen. Jimili Macaraeg. (GINA GARCIA)