ISANG lalaking wanted sa kasong robbery with homicide ang nasakote sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon City police chief Col. Albert Barot ang naarestong akusado na si Tanoynoy Mauro, 27 anyos, ng Gulayan, Brgy. Catmon, Malabon City.
Ayon kay Col. Barot, nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon Police na naispatan ang akusado sa naturang barangay dahilan upang magsagawa ng validation hinggil sa naturang ulat.
Nang makompirmang positibo ang report, bumuo ng team ang WSS sa pangunguna ni P/CMSgt. Marlon Garcia kasama ang mga tauhan ng Sub-Station 4 saka isinagawa ang joint manhunt operation na nagreaulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 3:45 pm sa Sanciangco St., Brgy., Catmon, Malabon City.
Ani P/SMSgt. Jessie Rebato, si Mauro ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 5 Hulyo 2022 ni Judge Misael Madelo Ladaga ng Regional Trial Court (RTC) Branch 292, Malabon City sa kasong Robbery with Homicide at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (ROMMEL SALES)