NAKATAKDANG ilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Information and Communications Technology (ICT) para sa kanilang bagong training program sa cybersecurity.
Ayon kay TESDA Officer-in-Charge Deputy Director General Rosanna Urdaneta, maraming mangagawang Filipino ang maaaring matulungan ng programa kapag nahasa ang kanilang kaalaman.
Ayon kay Urdaneta, sa ngayon tinitingnan ang isang posibleng pakikipagtulungan sa gobyerno ng Israel upang matulungan silang bumuo ng regulasyon sa pagsasanay.
Inatasan nito si OIC Executive Director for Information and Communications Technology Jeffrey Ian Dy na pangunahan ang paggawa ng regulasyon sa pagsasanay kasama ang Qualifications and Standards Office matapos dumalo sa 12th Cyberweek sa Tel Aviv, Israel.
Binanggit ni Urdaneta, ang TESDA ay nagpapatupad ng Network Security Associate Level II sa ilalim ng Cybersecurity Selected Training Program (STP) sa National Capital Region (NCR). (GINA GARCIA)