Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
KUNG ako ang tatanungin, dapat magbayad ng buwis ang mga online seller dahil ang buyer ang nagbabayad ng delivery charge ng bawat produktong binibili.
Sa ganang akin, masusing pag-aralan ito ng Department of Finance kabilang ang mga subscription sa mga streaming apps gaya ng Netflix.
Makadaragdag ito ng malaking kita sa gobyerno. Kung ‘yung maliliit na sari-sari store nagbabayad ng kanilang business permits, panahon na itong mga online seller ay patawan ng buwis.
Bukod rito, maraming produkto sa mga online seller ang fake, sa ads promo na larawan lamang magaganda.
Isa ako sa nabiktima ng mga pekeng produkto ng online sellers dahil hindi nagdaraan sa quality control. Pipiktyuran at ipo-post sa social media, pero pagdeliber sa ‘yo, ang layo ng hitsura.
Go! go! go! Patawan ng buwis ang mga online seller, maraming negosyante ang nagsara ng kanilang business online. Business na lang, wala pang tax sa gobyerno.
ADMINISTRASYONG
ERIC OLIVAREZ BUGBOG
SA SOCIAL MEDIA
Kilala ko si Mayor Eric Olivarez, isang tahimik na tao, mahiyain, at hindi magaslaw kumilos.
Nakapagtatakang ang mga atake sa kanya sa social media ay kabaliktaran ng pagkakakilala ko kay Mayor Eric.
Kung may katotohanan man ang mga pangit na image laban kay Mayor Eric, pipilitin ko siyang makaharap upang malaman ang katotohanan.
Sa aking pagkakaalam, may karapatan ang sinumang alkalde na maglagay ng kanyang tauhan sa bawat posisyon ngunit sa tamang proseso.
Binigla raw at napahiya ang mga empleyadong sinibak at inilipat ng puwesto habang ang iba pa ay inilagay sa floating status.
May isyu pang nagalit ang 15 barangay captains sa lungsod ng Parañaque kabilang ang ama nitong si Dr. Pablo Olivarez, Brgy. Captain ng San Dionisio nang hindi pumayag ang mga Kapitan na agarang magsagawa ng eleksiyon para sa pagiging ABC President at palitan ang incumbent na si Kapitan Christopher Aguilar.
Hirap akong maniwala, dahil kilala ko si Mayor Eric na isang mabuting tao, mabait na anak.
Kung may katotohanan ang lahat ng akusasyong ibinabato kay Mayor Eric, ano ang dahilan? ‘Yan ang ating aalamin mga kababayan ko sa lungsod ng Parañaque.