DINAKIP ng mga awtoridad ang hinihinalang drug pusher na nagbebenta ng shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus Medina, nagkasa ng operasyon ang mga operatiba ng Holy Spirit Police Station (PS 14) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro bandang 3:50 pm noong 2 Hulyo, sa Luzon Ave., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Sa ikinasang buy bust ng PS 14 ay naaresto ang mga tulak na sina Johnson Base, 36, nakatira sa Brgy. Pasong Tamo, QC; Efren Lopez, 44, residente ng Brgy. Old Balara, QC, at Ferdinand Manois, 24, ng Brgy. Loyola Heights.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000, isang black na coin purse, at ang perang ginamit sa transaksiyon.
Batay sa report ng Batasan Police Station (PS 6) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Abraham Abayari, naaresto sa buy bust sina Angela Dalipe, 29, nakatira sa Brgy. Batasan Hills; Russel Bautista, 30, naninirahan sa Brgy. Commonwealth; Ruel Tandog, 30, ng Brgy. Payatas; at Marlon Cristobal, 33, ng Brgy. Bagong Silangan.
Ang mga suspek ay naaresto sa buy bust operation ng PS 6 sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) dakong 2:00 am nitong 3 Hulyo 2022, sa Doña Nicasia St., Brgy. Commonwealth.
Nasabat mula sa mga suspek ang hindi kukulangin sa 17 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P115,600, isang itim na pitaka, at ang perang ginamit sa buy bust.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)