Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
FIRST time in history sa local government ng Parañaque, na halos lahat ng department heads noong panahon ni former Mayor Edwin Olivarez ay pinagsisibak sa kanilang puwesto.
Marahil gusto ni newly elected Mayor Eric Olivarez ay mga bagong opisyal sa kanyang administrasyon — kumbaga, bagong mukha!
Marami ang na-shock sa anunsiyo ni Mayor Eric sa harapan ng maraming empleyado. Biglang nawala sa kanilang mga upuan ang mga department heads na tinanggal. Anila, walang abiso sa kanila ang aksiyon ni Mayor Eric.
Dahil sa pangyayari, may banta ang ilang heads na kumunsulta sa Civil Service Commission upang malaman kung tama ba ang naging desisyon ng bagong mayor.
Karamihan sa mga department heads na sinibak sa kanilang puwesto ay pawang mga departamento na nagge-generate ng income sa kaban ng siyudad ng Parañaque.
Halos ilang dekada nang nasa posisyon ang mga sinibak. Halos lahat ng hepe ng department ay pinalitan ng administrasyon ni Mayor Eric.
Anuman ang dahilan tanging si Mayor Eric lang ang nakaaalam. Siguro gusto ng alkalde, hindi lamang bagong mukha ang gusto niya, kundi bago ang lahat ng kanyang makikita upang mapatunayan niyang isa siyang mahusay na lider.
Pero dahil talagang kabigla-bigla ang aksiyon ni Mayor Eric, ‘di maiaalis na makaramdam ng galit ang mga apektadong sinibak na department heads. Ang iba ayon sa aking impormasyon ay mag-early retirement na.
Ano kaya ang pakiramdam naman ni former Mayor Edwin Olivarez sa aksiyon ng kanyang nakababatang kapatid?
Sabi nila iginalang ito ng dating mayor, dahil siya na ang kasalukuyang alkalde ng lungsod ng Parañaque.
Nahaluan ng pagdududa na bakit itinaong Covid positive at kasalukuyang nasa quarantine period ang dating mayor kaya wala ang presensiya niya sa ginawang announcement ni Mayor Eric sa pagsibak sa puwesto ng lahat ng department heads ng Parañaque?
No comment sagot ko d’yan. Kung anuman ang dahilan, siguro bagong alkalde, bagong Parañaque, bagong mukha!