BAGSAK sa kulungan ang dalawang basurero matapos maaktohang tinatangay ang takip na bakal ng daluyan ng tubig sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong Theft ang naarestong mga suspek na kinilalang sina Troy Maglinas, 21 anyos, at Jamuel Mateo, 18 anyos, kapwa residente sa Dumpsite Sitio 6, Brgy., Catmon ng nasabing siyudad.
Batay sa imbestigasyon nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol, dakong 9:30 pm habang nagpapatrolya ang mga tanod ng Brgy. Catmon sa Hernandez St., Brgy. Catmon nang maaktohan ang mga suspek na tinatangay ang bakal na takip ng drainage na pag-aari ng barangay.
Agad nagpakilala ang mga tanod saka inaresto ang mga suspek at doon narekober ang tinangay na bakal. (ROMMEL SALES)