DAHIL sa pagbaba ng bilang ng mga sasakyan na bumabagtas sa kahabaan ng Efipanio delos Santos Avenue (EDSA), hindi na itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang magpatupad ng expanded number coding scheme.
Naniniwala ang MMDA, ang pagliit ng bilang ng sasakyang bumibiyahe sa EDSA ay dahil sa taas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ipauubaya na lamang nila sa susunod na administrasyong Marcos ang pagdedesisyon kung ipatutupad ito.
Matatandaan, noong Abril, nagpanukala ang MMDA na magpatupad ng bagong coding scheme para mabawasan ng 40% ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Nitong nakaraang buwan 5 Mayo, umabot sa 417,000 ang bilang ng mga sasakyan na bumabagtas sa EDSA na mas mataas pa sa 405,000 naitala noong bago magkaroon ng pandemyang dulot ng COVID-19 ngunit bumaba ito dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel. (GINA GARCIA)