SA kulungan ang bagsak ng tatlong hinihinalang drug personalities matapos makumpiskahan ng aabot P68K halaga ng shabu sa buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City police ang mga nadakip na suspek kinilalang sina Rafael Camua Jr, 32 anyos, Mark Anthony Santos, 43 anyos, Ricardo Casimiro, 51 anyos na pawang residente ng lungsod.
Ayon kay PLT Madregalejo, dakong 2;00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Doddie Aguirre ng buy bust operation sa kahabaan ng Rincon Road, Brgy. Malinta.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, buy bust money, P300 bills at dalawang cellphone.
Pinuri naman ni NPD Director PBGEN Ulysses Cruz ang Valenzuela Police SDEU sa matagumpay na buy- bust operation habang inihahanda ang kasong laban sa mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Rommel Sales)