SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INILANTAD ni Diego Loyzaga na isa siyang Marcos loyalist nang mapiling gumanap na Bongbong Marcos sa pelikulang Maid in Malacanang na ididirehe ni Darryl Yap. Ang kanyang amang si Cesar Montano naman ang napisil na gumanap bilang ang dating pangulong Ferdinand Marcos Sr..
Bago ito’y nauna nang inansunsiyo na bibida rin sa Maid in Malacañang sina Ruffa Gutierrez bilang First Lady Imelda Marcos, Cristine Reyes bilang Imee Marcos, at Ella Cruz as Irene Marcos.
Maging ang mga die hard supporter ni BBM na sina Elizabeth Oropesa, Karla Estrada, at Beverly Salviejo ay kasama rin bilang mga kasambahay.
Isisikreto pala sana ang mga magsisiganap sa period movie na ito pero talagang bawat isa na kasama rito maging ang direktor na si Darryl ay sobrang excited kaya hindi napigilang i-announce kung sino-sino ang mga bibida.
Tulad ni Diego, talagang nagsabing proud at excited siya na gumanap bilang Bongbong Marcos.
Sinabi pa niyang isang malaking achievement ang gumanap bilang batang Bongbong.
“Alam ko rin na darating ang araw, kung puwede kong suportahan ang pamilyang Marcos, susuportahan ko po talaga sila, at dumating po ‘yung oportunidad na iyon,” sambit ni Diego sa isang panayam.
Sinabi pa ng batang aktor na, “At salamat sa Diyos, binigyan Niya ako ng oportunidad na gampanan si Presidente Bongbong Marcos sa isang role at sa isang pelikula, so I’m happy, I’m thankful to be part of this family.
“Tawagin niyo rin po akong loyalist,” proud na proud pang sabi ni Diego.
Ang Maid in Malacanang ay magpapakita sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Malacañang Palace noong panahon ng People Power EDSA Revolution (Feb. 23 to Feb. 25, 1986).