Nasukol ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang No. 1 most wanted person ng bayan ng Siniloan, sa lalawigan ng Laguna, sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad nitong Martes, 14 Hunyo.
Sa ulat ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., acting provincial director ng Laguna PPO kay Calabarzon PNP Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Siniloan MPS sa pangunguna ni P/Maj. Silver Cabanillas kamakalawa sa Brgy. Wawa sa nabanggit na bayan.
Kinilala ang suspek na si Jayson Kahulugan, 24 anyos, binata, walang trabaho at residente ng nasabing lugar.
Dinakip si Kahulugan dakong 9:30 ng umaga kamakalawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Assisting Judge Ma. Lourdes Santos Mendoza, ng Siniloan RTC Branch 33 para sa dalawnag bilang ng kasong qualified theft sa ilalim ng Criminal Case No. 12714 12717 na may petsang 12 Abril 2022 na may inirekomendang piyansa na P40,000 bawat isang kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting unit ang suspek habang ipinaalam sa korte ang kanyang pagkakadakip.
Pahayag ni P/BGen. Yarra, “Tinitiyak po namin sa biktima na mananagot sa batas ang akusadong ito.” (BOY PALATINO)