HINDI naging matibay na argumento ang katuwiran ni Cebu Gov. Gwen Garcia, na hindi naipatupad nang wasto ang health protocols noong campaign period sa katatapos na halalan at ang kanyang direktibang optional na lamang ang face mask ay kapaki-pakinabang sa mga Cebuano.
Inilinaw ng Malacañang, magpapatuloy ang implementasyon ng mandatory face mask sa buong bansa.
Ang paglilinaw ng Malacañang kahapon ay kasunod ng kautusan ni Garcia na optional na lamang o hindi na obligasyon ng mga residente ng lalawigan na magsuot ng face mask sa labas.
Katuwiran ni Garcia, hindi naman naipatupad nang wasto ang health protocols noong campaign period sa katatapos na halalan at ang kanyang direktiba ay kapaki-pakinabang sa mga Cebuano.
“The chief executive’s directive is clear: continue wearing face masks,” sabi ni Presidential Communications Secretary at acting Presidential Spokesman Martin Andanar sa isang kalatas.
“The Department of the Interior and Local Government has instructed the Philippine National Police to implement the existing [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases] resolution on wearing of face masks accordingly,” dagdag niya.
Suportado aniya ng Palasyo ang legal opinion ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mas dapat mangibabaw ang kaustusan ng IATF kaysa executive orders na inilabas ng mga lokal na pamahalaan, gaya ng inisyu ni Garcia.
Nauna rito’y inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaaring arestohin ng mga pulis ang indibidwal na hindi magsusuot ng face mask. (ROSE NOVENARIO)