PINANGUNAHAN ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus Medina ang pagsailalim sa random drug test ng kaniyang mga opisyal at tauhan.
Sa isang pahayag, sinabi ng QCPD na may kabuuang 77 Police Commissioned Officers (PCOs), Police Non-Commissioned Officers (PNCOs), Non-Uniformed Personnel (NUP), at Police Aides (PAs) ang sumailalim sa nasabing drug test na isinagawa ng QCPD Crime Laboratory sa pamumuno ni P/Lt. Col. Lorna Santos, sa loob mismo ng QCPD headquarters noong 11 Hunyo.
Ayon kay Medina, ang hakbanging ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng QCPD laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang organisasyong nagpapatupad ng kaugnay na batas ay drug-free at law-abiding citizens.
“Ito ay magsisilbing paalala sa lahat ng ating mga pulis na kailanman ay huwag masasangkot sa paggamit ng ilegal na droga at sa halip ay maging ehemplo sa mamamayang pinaglilingkuran,” babala ng heneral.
“Ang sinumang mapapatunayang positibo sa paggamit nito ay hindi kokonsintihin ng QCPD sa halip ay sasailalim sa masusing imbestigasyon at kakasuhan ayon sa alituntunin ng batas,” dagdag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)