IKINAGALAK ni ACT-CIS Party-list Rep. Rowena Niña Taduran ang paggawad ng titulong National Artist Sa kababayan niyang Iriganon.
“It’s about time,” ani Taduran makaraang malaman niyang bibigyan na ng pagkilala sa Order of National Artist si Nora Aunor makaraan ang mga taong binabalewala ang kanyang nominasyon.
Isang kapwa Bikolana, sinabi ni Taduran, ang pagkilalang ito kay Aunor ay matagal na dapat ibinigay lalo na kung titingnan ang kanyang mahuhusay na pagganap at paggawa ng pelikula at ang hindi na mabilang na pagkilala sa kanyang kahusayan sa pag-arte dito sa Filipinas at sa ibang bansa.
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte na ang kapwa ko Iriganon ay bibigyan na ng pagkilala bilang National Artist. Maraming beses na tayong binigyan ng karangalan ni Miss Aunor. Panahon na upang ibalik natin ito sa kanya. Ang kanyang kahusayan at dedikasyon sa pag-arte at pagganap sa mga makubuluhang pelikula ay karapat-dapat tularan,” ayon kay Taduran.
Si Aunor ang kauna-unahang babaeng aktor at direktor na bibigyan ng pagkilala bilang National Artist for Film and Broadcast. Hindi lamang aktres si Aunor kung hindi mang-aawit, producer, director at talent manager din. Siya ay nasa industriya ng pelikula at telebisyon simula pa noong 1967.
“I am thankful that President Duterte recognized Miss Aunor’s artistic accomplishments. She has put us in the map with her internationally-recognized films like Thy Womb and Himala. An exquisite treasure, she deserves this highest honor,” ani Taduran.
Bukod sa pagkilala bilang National Artist, makatatanggap din si Aunor ng gintong medalya mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, cash award, insurance, isang espesyal na lugar kapag mayroong mahalagang pagtitipon ang pamahalaan, at kapag siya ay nasawi, bibigyan ng isang state funeral. (GERRY BALDO)