ni Brian Bilasano
HINDI nakaligtas sa kamatayan ang rider at ang kanyang angkas na tila ‘lumipad’ mula sa Aurora Blvd. (Tramo) flyover pabagsak sa riles ng MRT-3 sa pagitan ng mga estasyon ng Magallanes at Taft, sa Pasay City, kagabi, 12 Hunyo.
Dahil sa insidente, napilitang suspendehin ang operasyon ng MRT-3 dakong 6:37 pm habang nagreresponde ang emergency personnel.
Wala buhay na bumagsak ang katawan ng mga biktima na nakahandusay sa riles habang natagpuan ang dalawang helmet sa hindi kalayuan.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay ang dalawang biktima ng motorsiklo bago maganap ang insidente.
Nabatid sa imbestigasyon ng Pasay PNP na maaaring nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang isa sa mga biktima dahil madulas ang kalsada sanhi ng ulan.
Sa pahayag ng nakasaksing si Dondon De Juan, isa rin rider, tinatayang nasa 70 hanggang 75 kph ang bilis ng takbo ng motorsiklong sinasakyan ng dalawa.
“Andoon po sa pataas ng flyover, nag-overtake sa akin. ‘Tas pag overtake gumewang. Iba na pakiramdam ko. Pagdating ko rito (Aurora Flyover), ‘di nag-menor kaya ‘pag tama sa railings, deretso po bagsak. Tapos malayo na inabot ng motor,” pagsasalarawan ni De Juan.
Dagdag niya, agad siyang huminto para tingnan ang mga biktima.
“Tumigil. Tumingin ako. Na-shock ako sa nangyari dahil lumipad ‘yung dalawa. ‘Pag tingin ko no movement na ang dalawa. Saka parang tumama pa sa high voltage,” kuwento ng saksi.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang natagpuan malapit sa kanilang mga katawan ang dalawang helmet at ilang personal na mga gamit.
Agad dumating ang PNP-SOCO sa pinangyarihan upang imbestigahan ang insidente katuwang ng Pasay PNP.
Ibinalik ang operasyon ng MRT-3 Southbound bandang 7:26 pm habang suspendido pa rin ang operasyon ng northbound.