IBINUNYAG ng transparency group — Filipino League of Advocates for Good Governance (FLAGG) — maraming mga empleyado ng Bureau of Customs (BoC) ang lumapit sa kanila para ireklamo ang kanilang dalawang opisyal, sinabing sangkot sa ilang katiwalian, gaya ng pagkaladkad sa pangalan ng Iglesia Ni Cristo (INC) para makakuha ng puwesto.
Ayon sa FLAGG, isinumbong sa kanila ng mga empleyado, ang mga opisyal na sina BoC Customs Deputy Commissioner Teddy Raval ng Enforcement Group, at Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG) ay parehong nag-a-apply ngayon para hindi sila maalis sa puwesto.
Sinabi ng BoC employees, walang problema kung naghahanap sila ng linya sa kampo ni incoming President Ferdinand Marcos, Jr.
Pero ang problema tila hindi alam ng pamunuan ng INC na ginagamit ng dalawang opisyal ang pangalan ni Ka Eduardo Manalo para masungkit ng posisyon.
“Karapatan nilang mag-apply kung gusto nilang kumapit-tuko sa puwesto. Pero para gamitin ang pangalan ni Ka Eduardo at ng buong INC, huwag naman dahil sinisira nila ang sagrado naming kapatiran,” sabi ng isang BoC employee na umaming isa siyang INC member.
Para sa isang INC member na organic employee rin ng BoC, panahon na para magising ang papasok na administrasyon at huwag basta maniwala sa paggamit sa pangalan ni Ka Eduardo dahil kahit saan at kahit kailan, batid nilang hindi ito papayagan ng iginagalang nilang namamahala ng INC.
Si Ka Eduardo ang Executive Minister ng INC at mahigpit ang kanyang tagabulin na huwag na huwag sasangkot sa anomang uri ng anomalya.
Natatakot ang BoC employees na baka mapaniwala nina Raval at Baquiran ang BBM camp na ‘sugo’ talaga sila ng INC.
“Iligtas natin ang buong Iglesia ni Cristo at iligtas din natin si Ka Eduardo,” sabi ng isa pang INC member na nakabase sa BoC Port of Cebu.
Kung matatandaan, taong 2017 nang sumambulat ang P6.4 bilyong halaga ng shabu na ini-smuggle sa bansa.
Sina Raval at Baquiran ay dalawa lamang sa maraming BoC officials na pinagalanan ng Customs broker na si Mark Taguba na tumatanggap sa kanya ng suhol o lagay.
Bukod dito, may usap-usapan, si Baquiran ang nasa likod ng malawakang smuggling ng mga imported na galunggong sa bansa na labis na nagpahirap sa mga kababayang mangingisda at lokal na mangangalakal.
Si Raval naman ay hinagisan ng granada noong mga nakalipas na buwan, ngunit tumangging magpaimbestiga sa mga awtoridad para makaiwas sa matinding kontrobersiya at upang hindi na mabuko ang luxury cars na nasa garahe ng kanyang mansiyon.
Sinasabing korupsiyon din ang dahilan kaya hinagisan ng granada ang bahay ni Raval.