DALAWANG mister ang kulungan ang kinasadlakan matapos makuhanan ng shabu at patalim makaraang masita ng pulisya dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PLt. Armando Delima, hepe ng Sub-Station 6 ng Valenzuela City police ang mga suspek na sina Richard Luis Sebastian alyas Bobby, 33 anyos, residente ng #54 Dominga St., FB De Jesus, Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City at Ruel Gabrentina, 45 anyos, butcher at residente ng #54 Independence St. Brgy. Gen T. De Leon, ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni PSSg Carlos Erasquin Jr, dakong 2:00 ng hapon, nagsasagawa ng anti-criminality patrol si PSMS Roberto Santillan at mga tanod ng Brgy. Malanday sa kahabaan ng M.H Del Pilar sa nasabing barangay nang makita nila ang mga suspek na nakatayo sa gilid ng kanilang motorsiklo at kapwa walang suot na face mask.
Dahil malinaw na paglabag ito sa ondinansa ng lungsod ay agad na sinita ni PSMS Santillan ang dalawa subalit, nang lapitan niya para isyuhan ng ordinance violation receipt ay tumakbo ang mga ito.
Isang maikling habulan ang nangyari sa pagitan nina PSMS Santillan at barangay tanod na si Francis Chuidian hanggang sa maaresto kung saan narekober sa kanila ang isang sling bag, dalawang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P20,400 ang halaga, disposable lighter, various identification cards, cellphone, dalawang fan knife at isang Kawasaki Barako Motorcycle (3740 UZ) na puno ang tangke ng gaas.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, Art 151 of RPC, BP 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) in relation to Comelec Resolution Number 10728 (Ban on Carrying Deadly Weapon During Election Period). (Rommel Sales)