NASUKOL ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Vietnamese nationals na pawang sangkot sa lending scam sa Science City of Muñoz, sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Dala ang Mission Order ni Immigration Commissioner Jaime Morente, dinakip ng mga operatiba ng BI Intelligence Division, ang mga suspek na kinilalang sina Vo Van Tai, 26 anyos; residente sa Purok Rosal, Brgy. Poblacion West, sa nabanggit na lungsod, pati ang kaniyang mga kasabwat na sina Vo Khac Binh, at Vo Thi Mai, pawang mga Vietnamese nationals.
Sa pahayag ni Morente nitong Linggo, 29 Mayo, sinabi niyang “These illegal businessmen are not welcome in the country. They do not follow our laws, and at the same time bring fear and disorder to the community.”
Nabatid na pinamumunuan ni Vo Van ang isang sindikatong ilegal na nagpapautang at kung hindi makapagbayad ay dinudukot at sinasaktan ang mga umuutang sa kanila.
Napag-alaman din na palipat-lipat ang sindikato sa iba’t ibang lugar sa Luzon upang hindi mahuli at mapagtakpan ang kanilang mga ilegal na transaksiyon.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., nagpakita umano si Vo Van ng pekeng BIR ID na sa iba nakapangalan habang inaaresto.
Mayroon umano siyang mga pekeng dokumento upang maitago ang tunay niyang pagkakakilanlan, habang ang kanyang mga kasabwat ay hindi dokumentado at overstaying na sa bansa.
Dinala ang tatlong suspek sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig, habang inihahanda ang kanilang deportasyon.
Dagdag ni Morente, titiyakin nilang hindi na muling makababalik ang tatlo sa Filipinas.