Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
HINDI lamang ang bayan ng Dasmariñas, Cavite sa ilalim ng Prime Water ang dumaranas na tuwing gabi lamang tumutulo ang tubig sa kanilang mga gripo.
Maging ang mga subdibisyon sa San Jose del Monte, Bulacan, gaya ng mahigit sampung ektaryang subdibisyon ng Kelsey Hills na matatagpuan sa Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan ay dumaranas din ng bulok na serbisyo ng Prime Water.
Dahil sa kawalan ng tubig at sa hatinggabi lang tumutulo ang tubig, napupuyat ang mga residente sa nag-iipon ng tubig. Partikular na apektado ay mga empleyadong pumapasok nang maaga sa kanilang mga trabaho.
Senator Cynthia Villar, pakialaman mo sana ito, dahil sabog dito ang pangalan mo dahil kayo ang nag-mamay-ari ng Prime Water.
Dahil sa kawalan ng tubig sa Kelsey Hills, maraming mga bumili ng bahay thru Pag-IBIG Fund financing, ang ibinebenta ang kanilang mga yunit ngayon. ‘Yun namang nag-in house financing ay sobra-sobrang pagkadesmaya ang nararansan kaya ibinebenta na rin ang kanilang bahay.
Ang masakit, pagdating ng water bills susmaryosep, hihimatayin ka sa taas ng singil kahit walang tubig.
Ang suspetsa ng maraming real estate developer, sinasadya ng Prime Water na buwisitin ang water supply ng ibang subdivision, nang sa gayon ay magsilipat sa mga subdibisyon ng mga Villar na kabi-kabilang nagsulputan sa loob ng San Jose del Monte City.
Nakapagtataka na mula nang mapunta sa Prime Water ang dating San Jose del Monte Water District, e bigla rin nagsulputang tila malalaking ‘kulugo’ ang mga subdibisyon ng mga Villar.
And take note, habang putol-putol, mabaho, at maitim ang tubig na lumalabas sa gripo ng mga ibang barangay at lugar sa San Jose del Monte, walang reklamong maririnig sa mga residente sa kanilang subdivisions na Palmera at Camella.
Ibang klase rin kayong magpalakas ng negosyo ha, Madam Cynthia Villar?
Moderate your greed naman!