Arestado sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person para sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad, sa lungsod ng Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna, nitong Miyerkoles ng umaga, 25 Mayo.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison, Jr. ang suspek na si Rodrigo Matalab, 54 anyos, may-asawa, construction worker, at residente ng Brgy. Kanluran, sa nabanggit na lungsod.
Isinagawa ang operasyon dakong 10:45 ng umaga kamakalawa sa bahay ng akusado sa bisa ng warrant of arrest sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad na inilabas noong 4 Marso 2022 at 18 Abril 2022 ng Sta. Rosa City RTC Branch 102 at 101 na may nirerekomendang piyansang P520,000.
Nabatid na nakatala ang akusado bilang No. 7 most wanted person-city level dahil sa pang-aabuso sa kanyang biktima mula 2013 hanggang 2021 sa tuwing iniiwan ng mga kamag-anak ang biktima sa kanyang pangagalaga na kanyang sinasamantala ang pagkakataon upang isagawa ang kahalayan.
Kasalukuyan nang nasa kostudiya ng Sta. Rosa CPS ang suspek habang ang korte ay iimpormahan sa kanyang pagkakaaresto.
Pahayag ni P/BGen. Antonio Yarra, “Kapuri puri ang Sta. Rosa CPS sa accomplishment na ito. Sa pagkaaresto ng akusado ay mabibigyang hustisya din ang kaniyang biktima.” (BOY PALATINO)