Binawian ng buhay ang isang hostage taker nang barilin ng mga rumespondeng pulis nitong Lunes, 23 Mayo, sa bayan ng Ipil, lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Kinilala ang napaslang na suspek na si Eduardo Andres, 42 anyos, walang trabaho, at residente ng Brgy. Loboc, sa bayan ng Tungawan.
Namatay si Andres dahil sa tama ng bala ng baril na sa kanyang ulo habang tinututukan din ng baril ang ulo ng kanyang babaeng hostage sa labas ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Brgy. Tiayon, sa nabanggit na bayan.
Sa ulat, nabatid na unang tinutukan ng baril ni Andres si Rogelio Catacutan, 75 anyos, upang pagnakawan, ngunit nang walang nakuha ay pinukpok ng suspek ang ulo ng matanda gamit ang baril.
Matapos nito, sumakay si Andres sa tricycle na minamaneho ni Zandro Cingco, 45 anyos, saka nagtungo sa LTO kung saan puwersahan niyang pinapasok ang dalawang babaeng sina Marilyn Panghilayan, 62 anyos, at Irene Layson, 41 anyos.
Nagawang makatakas ni Panghilayan sa gitna ng komosyon habang nakuha ng mga pulis si Layson at nailabas ng tanggapan kung saan nakaposisyon na ang mga pulis.
Ayon kay P/Col. Albert Larubis, hepe ng Zamboanga Sibugay PPO, nakiusap ang mga awtoridad kay Andres na bitawan ang kanyang baril at sumuko nang mapayapa.
Sa halip sundin ang mga pulis, ikinasa at tinutok niya ang baril sa biktima na naging hudyat para paptutkan siya ng isang sa mga nakaabang na alagad ng batas.
Dagdag ni Larubis, nararapat lamang ang ginawa ng mga rumespondeng pulis upang masagip ang buhay ng hostage.