NAGSILBING mga komadrona ang mga pulis sa bayan ng Villaverde, lalawigan ng Nueva Vizcaya nang tulungan nilang manganak ang isang buntis na ihahatid sana sa ospital ngunit inabutan ng labor pain sa kanilang patrol car, nitong Linggo ng umaga, 22 Mayo.
Magkakatuwang na tinulungan nina Pat. Jardin Paulo Galima at P/Cpl. Kennent Cabanilla, at ilang mga tauhang naka-duty sa Villaverde MPS ang buntis para maipanganak ang kaniyang sanggol.
Ayon sa ulat, nagsimulang makaramdam ng sakit sa kaniyang tiyan ang babae, hudyat ng labor, dakong 6:00 am kahapon, nabatid na kabuwanan ngayong Mayo.
Nagdesisyon ang asawa ng buntis na dalhin siya sa estasyon ng pulisya upang humingi ng tulong na maihatid sila sa pinakamalapit na pagamutan dahil tanging motorsiklo lamang ang kanilang sasakyan.
Nang papaalis na sila sakay ng patrol car, tumindi ang paghilab ng tiyan ng babae at agad napansin ni Pat. Galima, na isang rehistradong nurse, ang mga tandang malapit na siyang manganak.
Agad tumulong sina Galima, Cabanilla, at ilang mga tauhan ng estasyon na maipanganak ang isang sanggol na babaeng pinangalanang Jiselle Blythe Ordonia.
Samantala, dinala ang mag-ina sa isang birthing clinic para sa kaukulang atensiyon at pagkalinga.