MAHIGIT P1.7 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakompiska sa dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang menor de edad na nasagip sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.
Batay sa ulat ni Caloocan City police chief Col. Samuel Mina, Jr., kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ulysses Cruz, dakong 4:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kasama ang Bagong Barrio Police Sub-Station 6 at 6th MFC RMFB-NCRPO ng joint buy bust operation sa Malolos St., Bagong Barrio, Brgy. 153, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang menor-de-edad habang nakatakas ang kanilang target na si alyas Tipus.
Nakompiska ng mga operatiba ang walong kilo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruiting tops, may standard drug price P960,000.00, 28 grams ng pinatuyong dahon ng hinihinalang kush na may standard drug price P67,200.00 at buy bust money.
Ani Col. Mina, ang operation ay nagmula sa ibinigay na impormsyon ng isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa illegal drug activities ni alyas Tipus na patuloy pang pinaghahanap.
Nauna rito, dakong 10:20 pm nang madakma ng mga operatiba ng SDEU sa buy bust operation sa BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 120, Caloocan City si Rose Ann Gonzales, 35 anyos.
Nasamsam sa kanya ang nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P680,000 at buy bust money.
Pinuri ni Cruz ang mga operatiba ng Caloocan Police at ilang private individual sa mahusay na trabaho habang kinasuhan ang naarestong suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)