KINOMPIRMA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), walang katotohanan ang kumakalat na infographic tungkol sa pagsasailalim ng Metro Manila at ilang lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions.
Ang nasabing infographic ay minanipula at ang impormasyong nakasaad dito ay peke, base na rin sa anunsiyo ng Department of Health (DOH).
Paliwanag ng MMDA, ang pamahalaan ay hindi na rin gumagamit ng kategorya ng community quarantine dahil alert level system na ang kasalukuyang ginagamit.
Paalala nito sa publiko, alamin ang pinanggalingan ng impormasyon o iberipika mula sa mga lehitimong sources ang mga nababasang balita.
Kung mayroong mga katanungan, maaaring tumawag sa MMDA Hotline 136 o magpadala ng mensahe sa MMDA official page sa Facebook, Twitter at Instagram. (GINA GARCIA)