HINIMOK ng bagong halal na alkalde ng bayan ng Rodriguez (Montalban), sa lalawigan ng Rizal na si dating AFP chief Ronie Evangelista ang mga katunggali na magkaisa at kalimutan ang labanan nitong nakalipas na kampanya para sa eleksiyon sa ikauunlad ng kanilang munisipalidad.
Nagpasalamat din si Evangelista sa lahat ng Montalbeño na nagbuhos ng kanilang suporta sa laban para sa bagong Montalban.
Dagdag niya, “Tunay na ang Montalban ang panalo sa labang ito.”
Nangako rin ang bagong alkalde na ang mga bagay na ikabubuti ng bayan at ng bawat isa ang mananaig sa kanyang termino.
Pahayag ni Evangelista, “Sa aking mga naging katunggali, maraming salamat sa isang malinis na halalan. Nawa tayo’y magkaisa upang ang ating bayan ay mapaunlad para sa kapakinabangan ng mamamayan.”
Nagpasalamat ang alkalde sa kaniyang pamilya at ‘team generals’ na nagbuhos ng oras at lakas sa nakalipas na kampanya para sa hangaring maiangat ang antas ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan.
Nagpaabot ng pasasalamat si Evangelista sa mga gurong hindi inalintana ang pagod para magampanan ang kanilang tungkulin sa nagdaang halalan.
Ipinangako niyang maaasahan ng mga mamamayan ang tapat na serbisyo.
Nakakuha ng boto ng kabuuang botong 66,768 habang nakakuha ng 63,330 boto ang katunggaling si Mayet Hernandez, kapatid ng mamumungkulang alkalde na si Dennis “Tom-Tom” Hernandez. (EDWIN MORENO)