ISANG drug suspect, iniulat ni Laguna PPO Acting Provincial Director P/Col. Cecilio Ramos Ison, Jr., kay CALABARZON PNP Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, ang naaresto sa ikinasang buy bust operation, nasamsaman ng P130,000 halaga ng hinihinalang ilegal na droga nitong Martes, 10 Mayo, sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Ison ang suspek na si Victor Toralba, 30 anyos, walang trabaho, residente sa Brgy. 2, sa nabanggit na lungsod.
Dinakip ang suspek ng mga tauhan ng Calamba CPS sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni P/Lt. Col. Arnel Pagulayan, Chief of Police, dakong 4:57 pn kamakalawa sa Angels Nest, Brgy. Turbina, sa naturang lungsod dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga sa pulis na nagsilbing poseur buyer kapalit ng P1,000.
Nakompiska mula sa suspek ang pitong pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang tumitimbang ng 1.5 gramo at nagkakahalaga ng P10,200; isang laryo ng pinatuyong namumungang dahon ng hinihinalang marijuana, tinatayang may timbang na isang kilo at nagkakahalaga ng P120,000; isang pirasong sigarilyo, isang back pack, P400 hinihinalang drug money, at P1,000 ginamit bilang buy bust money.
Nasa ilalim ng kustodiya ng Calamba CPS ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite ang mga nasabat na ebidensiya sa Crime Laboratory Office para sa forensic examination.
Pahayag ni P/BGen. Yarra, “Ipagpapatuloy natin ang pagpuksa sa ilegal na droga at all cost. Hinihimok ko ang mga tao na aktibong lumahok sa ating kampanya laban sa ilegal na droga upang mailigtas ang kanilang mga pamilya sa mga krimen na maaaring gawin ng mga personalidad na impluwensiyado ng ilegal na droga.” (BOY PALATINO)