HINDI nakaligtas ang isang driver at kasamang pahinante nang mahulog ang sinasakyang truck sa isang bangin habang binabagtas ang pababang bahagi ng highway sa Brgy. Tanawan, bayan ng Real, sa lalawigan ng Quezon nitong Lunes, 2 Mayo.
Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga biktimang sina Alfonso Castro, 43 anyos, driver ng nasabing truck; at Allen Castro, 21 anyos, pahinante, kapwa residente sa Brgy. Pinagbarilan, Baliwag, Bulacan.
Nabatid na dakong 7:45 am kamakalawa nang binabagtas ng aluminum wing van na pagmamay-ari ng King DJ Trucking Services ang highway patungong bayan ng Infanta upang maghatid ng kargang agricultural feed.
Hindi nakaabot ang truck sa destinasyon dahil nahulog sa bangin nang mawalan ng kontrol sa manibela sa mapanganib at pakurbang bahagi ng pababang kalsadang walang concrete barrier.
Inabot ng tatlong oras ang Real Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), mga barangay tanod, at Real PNP na maihaon ang mga biktima mula sa pinaghulugang bangin ng truck.
Parehong patay ang mga biktima nang mailabas mula sa nawasak na truck. (KARLA OROZCO)