MADALING makombinsi ang mga tagasuporta ni Ferdinand Marcos, Jr., na lumipat kay Vice President Leni Robredo dahil ramdam nila ang pagiging tapat at totoo ng kanyang mga sinasabi.
Ito ang obserbasyon ni dating Senador Antonio Trillanes nang samahan niya si VP Robredo sa pulong kasama ang mga manggagawa sa isang pagawaan ng damit.
Ayon kay Trillanes, 80 porsiyento ng mga manggagawa sa nasabing factory ay mga tagasuporta ni Marcos ngunit marami sa kanila ang nagsilipat kay Robredo matapos niyang sagutin ang kanilang mga tanong at ilatag ang mga plano at plataporma para sa mga manggagawa at sa bansa.
“Dahil ramdam nila na totoo at tapat si Vice President Leni sa kanyang mga sinasabi, kaya nagpasya silang lumipat ng kandidato sa pagkapangulo,” ani Trillanes.
Kabilang sa mga tanong na sinagot ni Robredo ay ukol sa kanyang plataporma pagdating sa hanapbuhay, ibinahagi niya ang kanyang “Hanapbuhay Para Sa Lahat” program.
Ayon kay Robredo, magkakaroon ng maraming trabaho at mamumuhunan sa bansa kung may tiwala ang mga negosyante sa gobyerno.
Sa panahon ng pandemya, sinabi ni Robredo na nakipagtuwang siya sa iba’t ibang kompanya na nag-alok ng 29,000 trabaho sa mga Filipino na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
Ngunit sinabi ni Robredo, tanging 16,000 ang nakitang kalipikado dahil sa kakulangan ng training at kakayahan.
“So dapat ‘yung gobyerno, ang program niya, ‘yung skills na kailangan, dapat may programa siya na kung ano ‘yung kailangan ng trabaho, ‘yung tao natre-train siya sa skills na ‘yun para, para makapasok siya,” ani Robredo.
Sinabi ni Trillanes, tahimik na nakinig ang mga empleyado habang inilalatag ni Robredo ang kanyang mga plano, patunay na interesado sila at gusto nila ang sinasabi ng Bise Presidente.
Sa isang vlog ni Trillanes, bumaligtad din ang ilang tagasuporta ni Marcos matapos nilang mabatid na walang nagawang kahit anong proyekto para sa bansa at para sa mga Filipino.
Desmayado ang nasabing supporters nang malaman ang magarbong buhay ng ina ni Marcos, Jr., na si Imelda Marcos, na umano’y nagpapasara pa ng mga department store sa ibang bansa para mamakyaw ng mga diamante at mga alahas.