SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PURING-PURI ni 1st nominee Venus Emperado ang kabutihan at kabaitan ni Robin Padilla. Kaya ganoon na lamang ang pghanga niya sa aktor at umaasang mananalo sila kapwa sa eleksiyon sa Mayo 9, 2022. Si Venus ang 1st nominee ng ipaTUPAD o ipaTUPAD FOR WORKERS, INC. PARTY LIST.
Kuwento ni Emperado, itinaas ni Robin ang kamay niya noong nasa Lipa sila. Bukod kay Robin suportado rin sila nina Eric Quizon, at Coleen Garcia gayundin nina Pangulong Duterte, dating governor Chavit Singson at marami pang iba.
“Ang bango ni Robin, ha ha ha, totoo ‘yun. Kasi siya na-meet ko siya noong nasa Singapore kami, 10 years ago pa. Mabait si Robin Padilla. Kung may iboboto man akong isang senador, si Robin ‘yun,”sambit ni Emperado na dating DOLE consultant.
Idinagdag pa ni Emperado na, “kung makikita n’yo sa pick-up ko (sasakyan) isinasama ko siya,” at sinabing iboboto rin niya ang lahat ng mga kaibigan nila na nakikita nilang makatutulong at magiging katuwang nila. “Basta ‘yung makatutulong sa atin, mabilis malapitan at ‘yung magseserbisyo sa tao.”
Iginiit pa ng dating guro na lahat ng ito ay taglay ni Robin. “Natamdaman ko iyon sa kanya at mararamdaman din naman ninyo kung mambobola ako.”
May mensahe pa si Emperado sa mga taong tumutuligsa sa pag-number 3 si Robin sa katatapos na survey. “Sa totoo lang, ang mga tao kasi mapanghusga rin, ipakita na lang natin at naramdaman kasi kapag pumupunta siya sa mga lugar na sincere si Robin at isa ako sa nakakita na maganda ang intensiyon niya.”
Samantala dating kasapi si Emperado ng programang Tupad ng Dole na ang layon ay tumulong sa mga manggagawa.
“Nagsimula ako 2018 pero matagal na ang Tupad, isa siyang non-profit organization pero 2016 pa lang nag-uumpisa na akong magkawanggawa. Lalo na noong pandemic nagbigay ako ng ayuda sa mga driver. Ako dumaan talaga ako sa proseso, pinagtrabahuhan ko.”
At sa kagustuhang ituloy ang pagtulong, binuo nila ang ipaTUPAD. Nais nilang bawasan ‘di man tuluyang mawala ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng disenteng trabaho sa pamamgitan ng TUPAD gayundin ang pag-eliminate ng anti-social concerns sa labor force.
Nangako rin ng suporta ang ipaTUPAD sa 15,000 freelance artists at cultural workers na isusulong nito ang kanilang kalagayan at kapakanan sa Kongreso.
Batid ng party list ang hirap na pinagdaraanan ng sector lalo pa’t nagpapatuloy pa ang banta ng coronavirus pandemic. Ang iba’t ibang community quarantine na ipinatupad at mga alert levels ay nagdulot ng suspension at kanselasyon ng mga taping para sa pelikula, mga programa sa telebisyon, pagtatanghal, konsiyerto, gigs, pagsasanay, at mga pag-aaral sa sining. Marami sa mga manggagawa na nasa malikhaing industriya, entertainment at media ay nasprktuhan ang hanapbuhay lalo pa’t naka-base ang kita sa “no work, no pay” na sistema.
Naniniwala ang ipaTUPAD party list na dapat tulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng NCCA at mga cultural agencies ang mga naapektuhang mga artista at manggagawa sa kultura para muling makapagsimula at makasabay sa new normal.
“Sana ay makatuwang natin ang mga kilalang personalidad sa sining at kultura pati na rin sa creative industry para makabuo tayo ng isang panukalang batas na hindi lamang magbibigay ng kaseguruhan sa trabaho kundi magsasaayos din ng benepisyo, insentibo, at karampatang pagkilala sa mga alagad ng sining at manggagawa sa kultura” sabi pa ni Emperado, president ng ipaTUPAD party list.