KINOMPIRMA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na fake news ang kumakalat sa social media na ipatutupad ang bagong number coding scheme ng ahensiya simula noong nakaraang araw.
Ayon sa MMDA, nananatili pa rin ang pagpapatupad ng modified number coding scheme mula 5:00 pm hanggang 8:00 pm mula Lunes hanggang Biyernes, maliban tuwing holidays.
Paliwanag ng ahensiya, wala pang pinal na desisyon sa mga panukalang modification sa number coding scheme.
Patuloy ang pag-aaral ng ahensiya ukol dito. Kung sakaling may pagbabago sa polisiya, dapat ay aprobado ng Metro Manila Council.
Payo ng MMDA sa mga motorista, huwag basta maniwala sa mga natatanggap na mensahe o post sa social media.
Mabuting alamin muna ang pinanggalingan ng impormasyon o iberipika mula sa mga lehitimong sources ang mga nababasang balita.
Maaaring tumawag sa MMDA Hotline 136 o magpadala ng mensahe sa MMDA official page sa Facebook, Twitter at Instagram. (Gina Garcia)