DALAWANG tulak ang inaresto makaraang kumagat sa matagumpay na operasyon ng Northern Police District (NPD) sa kampanya laban sa ilegal na droga at pagkakakompiska ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu at granada sa buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni NPD Director P/BGen. Ulysses Cruz ang naarestong mga suspek na sina Mark Joseph Nicandro, 34 anyos, residente sa Brgy. Daanghari; at Jomar Jayona, 24 anyos, residente sa Brgy. San Roque, kapwa sa nasabing lungsod, parehong kabilang sa police at barangay drug watchlist.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo sa buy bust operation dakong 1:25 am sa Ignacio St., Brgy. Daanghari matapos bentahan ng halagang P300 shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur buyer.
Nakuha ng mga operatiba sa mga suspek ang aabot sa 160 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price P1,088,000 at marked money habang natagpuan sa bahay ni Nicandro ang isang granada kaya humingi ng tulong si Lt. Rufo sa Explosive Ordnance Division (EOD).
Pinuri ni Navotas City police chief Cruz ang mahusay na trabaho. Ihaharap ang mga suspek sa inquest proceedings sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kasong selling and possession of illegal drugs under RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Karagdagang kasong paglabag sa R.A. 9516 o Unlawful Possession of Explosive ang isinampa kay Nicandro.